PAALAM KUYA…
Habang naglalakad ako papalapit sa altar, hindi ko maiwasang tingnan si Jared; ang lalakeng buong buhay kong pinangarap. Sa kanya sumisikat at lumulubog ang bawat araw ko. Sa kanya, natutunan ko kung paano umibig ng walang hinihintay na kapalit, nabuhay ako sa matatamis nyang salita, sa mga pangako ng walang hanggan. Sabay kaming sumuong at nakibaka sa hamon ng buhay. Unti-unti kaming bumuo ng aming palasyo sa alapaap, hanggang sa hindi na namin namamalayang ang mga panahong pinagsamahan namin ay mga hiram na sandali lamang. Sa kanyang paglisan, sa pagguho ng moog na naging pundasyon ng isang pagsasamang akala koý walang hanggan, walang katumbas na takot ang aking naramdaman. Saan ako mag-uumpisa? paano ang mabuhay ng wala sya sa piling ko? Ano ang bukas na naghihintay sa akin?
Sa aking pagbangon, sa aking unti-unting pagbuo sa pagkataong minsan natimbuwang sa mga hamon, dumating si Jhon at nagsilbing ilaw sa aking paglalakbay. Sa piling nýa unti-unting nakulayan ng rosa ang aking mundong minsang naging kulay abo. Sa kanya, naranasan ko kung paanong ngumiti muli, ngumiti muli sa kabila ng lahat ng mga pagsubok. Kung paanong nabuhay ang kagustuhang masamyo ang halimuyak ng mga bulaklak sa paligid, maramdaman ang lamig ng pagdampi ng hangin sa balat sa kabila ng init na hatid ng araw.
Ang apat na sulok ng simbahang ito ang magiging saksi sa pagmamahalang yon. At alam ko na kahit ano man ang mangyari, sabay naming haharapin ang bukas na may pag-asa, na sapat ang pagmamahal namin sa isa’t isa para malagpasan ang ano mang pagsubok na darating, na hindi importante kung saan man kami sa patungo basta magkasama kami sa paglalakbay.
At sa aking unti-unting paglapit sa harap ng altar, hindi ko maiwasang tapunan ng tingin si Jared, at isang piping panalangin ng pasasalamat ang tanging nasambit ko at isang pamamaalam sa kapatid ng lalakeng pangangakuan ko ng walang hanggan… “paalam saýo…kuya..”